A review by dee2799d
Lila Ang Kulay ng Pamamaalam by RM Topacio-Aplaon

4.0

Sa totoo lang, binili ko 'to na ineexpect na 'di ko siya masyadong magugustuhan; 'yung tipong 'Okay lang, maganda pero medyo pretentious' tulad ng opinyon ko sa mga sulat ni Karl De Mesa. Nasa Literary Festival kasi ako, umattend ng panel ng UP Press, at nando'n si RM Topacio-Aplaon. Pinakilala ni Gerry Los Banos bilang isang bagong manunulat at itong Lila daw kahit ang pinakamasungit na kritiko sa UP napahanga.

Nung nasa UP pa ako, lagi akong nagtataka kung bakit maiikli ang mga nobelang Pilipino. (Ang sagot sa 'kin ni Charlson Ong, 'Itong bago kong librong Banyaga mahaba.' Intriguing, pero hindi naman talaga nasagot ang tanong ko.) Ito na siguro ang isa sa mga pinakamahabang nobelang nabasa ko na Tagalog.

So: Mahabang nobela, magandang pagtanggap mula sa mga kritiko, at ayon sa manunulat, ito raw ay tungkol sa Imus, tungkol sa kawalan, tungkol sa suicide, at iba pa. Kahit feeling ko malaki ang tsansa na pretentious talaga ang nobelang ito, binili ko na rin. Maganda naman ang pabalat.

Maganda talaga siya. May mga bahagi na iniisip ko puwede namang paikliin (ang paulit-ulit na pagbanggit sa mamasa-masang mata ni Lila, ang palda niyang 'di lalagpas sa tuhod, ang pearl earrings niya) pero opinyon ko lang 'yon. Sanay kasi akong pagsabihan na 'pag pwede namang hindi, 'wag na lang isulat. Ang mga deskripsyon na minsa'y nasa teritoryo na ng 'purple prose' ay nakadadagdag naman sa kabuoang liriko ng nobela. Parang 'epithet' ba sa mga epiko.

Noong una inisip ko nga na baka nadadaya lang ako ng nostalgia. Sa Cavite kasi ako lumaki, noong 90s. Hindi nalalayo ang experiences nina Dylan at Lila sa mga narasanasan ko nung bata pa ako. (Nabanggit sa nobela ang kending 'tira-tira' na hindi na alam ng mga kabataan ngayon. Ang mga kanta ng Eraserheads na siya ring tumutugtog sa radyo noon.) Pero habang tumatagal at hindi pa rin ako pinakakawalan ng mundo nina Dylan at Lila, naisip ko, hindi ito daya. Gusto ko ang mga tauhan ng nobela, gusto kong malaman kung ano'ng iniisip nila at kung ano'ng gagawin nila.

At kung nag-aalala kayo na panay romansa ito, na panay introspeksyon at pagjajakol tungkol sa mga awit at aklat at paano magsulat: hindi. May gustong sabihin ang nobelang ito. Mula sa kuwento ng pagkamatay ng nanay ni Dylan, hanggan sa pagbalik niya sa Imus maraming taon ang nakalipas para malaman na nagbago na ang lahat at maraming naapakan ang 'pag-unlad' ng bayan.

Highly recommended. Hindi ako nanghinayang sa pagbili ko sa librong ito.